Nitong May 26, 2026, nag-walk out ang Senate minority dahil sa tangkang i-railroad o apurahin ng mayorya ang isang pagbabago ng alituntunin ng Senado. Nais ng mayorya pabayaang makaboto in absentia ang mga senador na pisikal na wala sa plenaryo.
Nangangalingasaw ang proposed rule change: makaboboto ang nagtatagong si Bato dela Rosa na wanted sa isang ICC arrest warrant. Makaboboto ang mga senador tulad nina Jinggoy Estrada, Joel Villanueva, at Chiz Escudero sakaling makaloboso sila dahil sa non-bailable plunder.
Sick scheme, di ba? Mananatiling Senate president si Alan Peter Cayetano habang mananatiling chairpersons ng mga komite ang pro-Duterte senators na miyembro ng mayorya.
Kung hindi nag-absent si Chiz Escudero, kahit nag-walk out ang mayorya, mayroon sanang quorum, at baka nakalusot ang mosyon!
Kung nagwagi ang diskarte, magiging takbuhan at taguan na ng mga pinaghahabol ng batas ang Senado — sa ilalim ng proteksiyon nito makaboboto at makagagawa ng batas ang mga taong pinaghihinalaang sangkot sa plunder ng kaban ng bayan. Ang laking kalokohan, kung nagkataon!
Sa gitna ng lahat ng sigalot ay ang taong hinahabol ng International Criminal Court — si Bato dela Rosa, ang tagapagpatupad ng systematic, state-sanctioned extrajudicial killings na nagmula sa Davao City at inexpand sa pambansang antas.
Bago tinangkang ipalulon ng mayorya sa buong Senado ang voting in absentia, lumabas ang desisyon ng Korte Suprema sa hiling na TRO ni Bato.
Nasapol ng headline ng Rappler ang poetic justice: Why Bato didn’t get TRO in Supreme Court packed with Duterte appointees. Bakit nga ba?
Tila nangungusap sa Senado, kay Bato, at sa administrasyong Duterte, ito ang sinabi ni Associate Justice Benjamin Caguioa: “This case will define the Court. For too long, power has found ways to outrun justice. It has hidden in office, in influence, in violence, and now, in the language of due process. That ends here.”
Sabi pa ni Caguioa: “The Court should strongly guard against being used as a politically convenient doormat, for the wiping clean of those who are charged with blood on their hands.”
Umuusbong ito sa prinsipyo ng “clean hands” kung saan ang isang taong dumudulog “in bad faith has absolutely no remedy.”
Powerful. Tiningnan ni Caguioa ang kaso mula sa punto de bista ng mga biktima ng extrajudicial killings. Sa isang panayam kay John Nery sa In the Public Square, sinabi ni Dean Mel Sta Maria na binigyan ni Caguioa ng boses ang “voiceless” na mga biktima na nasa buod ng kaso ng crimes against humanity.
Interpreting Solicitor General Darlene Berberabe, sinabi rin ni Sta Maria na “international law according to our Constitution is part of our law of the land. We accept generally accepted principles of international law…Republic Act 9851 is the bridge towards that international law.”
Sa pagbabalik-tanaw, maraming positibong naging resulta ang garapal na diskarte ni Dela Rosa, Alan Peter Cayetano, at ang “horrible propaganda video” ni Imee Marcos.
Napanday ang pagkakaisa ng minorya sa Senado, magkakaiba man ang hibo — nagkakaisa sila sa prinsipyo ng decency at integrity.
Luminaw ang tindig ng Supreme Court at Solicitor General pagdating sa ICC arrest warrants — at nangako ang Malacañang na agad-agad na ipatutupad ang mga ganitong warrant.
Pero ang masakit, napatunayan din ng yugtong ito na sa Pilipinas, the powerful protect the powerful. Sabi nga ni Sta Maria, nakaalpas si Bato, “with a little help from his friends”. – Rappler.com


